Marcos, inindorso ng El Shaddai, mga miyembro may layang pumili ng ibobotong presidente

mike velardeSi vice presidential candidate, Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos ang inindorsong kandidato ng Catholic Charismatic group na El Shaddai.

Sa sample ballot na ipinamahagi sa mga miyembro ng El Shaddai, tanging ang pangalan ni Marcos ang nakasulat para sa space na nakalaan para sa bise presidente.

Ayon kay Willy Villarama, dating secretary general ng Buhay partylist at political adviser ni Velarde, si Marcos ang nakakuha ng unanimous na boto nang magpa-survey sa mga miyembro ng El Shaddai.

Ang paglalagay ng pangalan ni Marcos sa sample ballot ay nangangahulugan ayon kay Villarama na siya ang nakakuha ng endorsement ni Velarde.

Samantala, wala namang inindorsong kandidato sa pagka-pangulo si Velarde.

Sa nasabing sample ballot, nakalagay ang pangalan ng lahat ng limang presidential candidates na kinabibilangan nina Vice President Jejomar Binay, Sen. Miriam Defensor Santiago, Davao City Mayor Rodrigo Duterte, Sen. Grace Poe at LP bet Manuel “Mar” Roxas II.

Ibig sabihin ayon kay Villarama, nasa mga miyembro na ang pagpapasya kung sino ang pipiliin nilang kandidato sa pagkapangulo.

Pero kapansin-pansin sa sample ballot na ang font size ng pangalan nina Binay at Roxas ay mas malaki kumpara sa pangalan ng tatlo pang kandidato.

Paliwanag ni Villarama, baka nagkaproblema lang sa printing ng sample ballot.

Sa mga kandidato sa pagka-senador, sinuportahan ng El Shaddai sina dating Interior Secretary Rafael Alunan, dating Justice Secretary Leila de Lima, Rep. Sherwin Gatchalian, Sen. TG Guingona, boxing champ Manny Pacquiao, former Sen. Francis Pangilinan, Sen. Ralph Recto, Rep. Martin Romualdez, Rep. Roman Romulo, dating MMDA Chiairman Francis Tolentino, dating TESDA chief Joel Vilanueva, at dating Senador Juan Miguel Zubiri.

Ang listahan ng mga susuportahang kandidato ay nakatakdang ianunsyo sa prayer vigil ng El Shaddai sa Sabado.

 

Read more...