Service contracting, libreng sakay inilunsad sa Camiguin
Inilunsad ng Department of Transportation (DOTr) ang Service Contracting Program Phase 2 at Libreng Sakay para sa healthcare workers at authorized persons outside residence (APORs) sa probinsya ng Camiguin, araw ng Biyernes (October 22).
Pinangunahan ni Transportation Secretary Art Tugade ang paglulunsad ng nasabing programa, kasama ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Camiguin Transport Cooperative (CAMTRANSCO).
Sinabi ng kalihim na layon ng Service Contracting Program na mabigyan ang mga tsuper ng sapat na kita sa pamamagitan ng insentibo kada kilometrong biyahe.
Sa pamamagitan nito, maiiwasan din ang agawan sa pasahero dahil sa tinatawag na “boundary system.”
“Tatakbo at tatakbo—mamamasada kayo on a per kilometer run. Babayaran at babayaran kayo, may sakay man o wala para nang sa ganun hindi na kayo nag-uunahan, hindi na kayo mapeperwisyo, naaburido sa tinatawag na boundary system,” saad ni Tugade.
Sa ilalim ng kasunduan, 35 public utility jeepneys (PUJs) ang tatakbo sa rutang Mambajao to Mambajao (circumferential loop) para magbigay ng libreng sakay sa healthcare workers, essential workers, at mga Authorized Person Outside Residence (APOR).
“Hindi magbabayad ng pamasahe kung kayo ay essential worker, kung kayo ay health frontliner, kung kayo ay authorized person outside of residence,” paliwanag pa nito.
Tutukuyin ng lokal na pamahalaan ng Camiguin ang mga ruta ng Service Contracting Program at Libreng Sakay.
Samantala, hinikayat din ni Tugade ang mga miyembro ng CAMTRANSCO na magparehistro sa ‘Tsuper Iskolar’ Program ng LTFRB, kung saan makatutulong upang mapalawakang kaalaman ng mga tsuper at kanilang pamilya sa pamamagitan ng skills training sa ilalim ng 30 hanggang 35 na araw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.