Sinabi ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na aabot lamang sa plenaryo ng Senado ang 2022 budget ng Department of Agriculture (DA) kung magkakaroon lamang ng malinaw na plano ukol sa tumataas na halaga ng mga abono.
Una nang sinabi ni Zubiri na mula sa P800 – P900 na halaga ng kada 50 kilo ng abono, humataw na ito sa P1,500 hanggang P1,900.
Nasa Isabela si Zubiri at katatapos lang makausap ang ilang lokal na magsasaka at una sa kanilang mga inangal ay ang mataas na halaga ng abono.
Isa pa sa maaring gawin ay ang pamamahagi ng composting machines sa mga magsasaka upang sila ay makagawa ng sarili nilang abono at binanggit pa niya ang isina-pribadong Philippine Phospate Fertilizer Corp. o Philphos na napapagkunan ng murang abono ng mga magsasaka.
“Kausap namin ang mga magsasaka, at ang problema talaga nila, napakahamal ng abono. Ano ba ang ginagawang hakbang ng DA para maibaba ang presyo ng abono? Ano pong sasabihin ko sa mga magsasaka natin para matulungan sila?” tanong ni Zubiri.
Hiniling niya na makipag-ugnayan na ang DA sa Department of Trade and Industry (DTI) para makontrol ang presyo ng abono.
“Ang dami nating materials for organic fertilizers, pero wala tayong programa. We need more progressive and proactive measures, hindi lang tayo reactive,” pagdidiin ni Zubiri.