Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang low pressure area (LPA) sa loob ng teritoryo ng bansa.
Ayon kay PAGASA weather specialist Joey Figuracion, huling namataan sa layong 415 kilometers Silangan ng Borongan City, Eastern Samar bandang 3:00 ng hapon.
Mababa pa aniya ang tsansa na lumakas ang LPA at maging isang bagyo.
Tatawid lamang aniya ito sa kalupaan ng bansa bilang LPA sa mga susunod na araw.
Sa susunod na tatlong araw, inaasahang makakaapekto ang LPA sa bahagi ng Southern Luzon, Visayas at Mindanao.
Nakapaloob ang LPA sa umiiral na Intertropical Convergence Zone (ITCZ) sa bahagi ng Palawan, Visayas at Mindanao.
Bunsod nito, makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa bahagi ng Caraga, Northern Mindanao, Zamboanga Peninsula, BARMM, SOCKS at buong Visayas.
Asahan din ang mahihinang pag-ulan sa Batanes at Cagayan dulot ng Northeasterlies.
Magiging maaliwalas naman ang panahon sa nalalabing bahagi ng bansa, kabilang ang Metro Manila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.