PNP, hinikayat ang mga magulang na panatilihin ang mga anak sa bahay

Umapela ang Philippine National Police (PNP) sa mga magulang sa Metro Manila na panatilihin ang kanilang mga anak sa bahay at iwasan ang pagpunta sa mga pampublikong lugar sa gitna ng pag-iral ng Alert Level 3.

Nagpaalala ang PNP kasunod ng mga ulat na may mga kabataang nakikitang namamasyal sa ilang pampublikong lugar.

Ayon kay PNP Chief, Police General Guillermo Eleazar, nilinaw na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga panuntunan sa paglabas ng mga kabataan.

“Maaari lamang silang lumabas kung sila ay magpapagamot o kaya mag-eehersisyo. Dapat din ay kasama nila ang kanilang magulang tuwing lalabas,” ani Eleazar.

Dagdag nito, “Kaya naman pinapaalalahanan ko ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak dahil baka akala ng mga ito, maaari na silang basta-basta lumabas dahil sa kakaunting pagluluwag dito sa Metro Manila.”

Paalala ng hepe ng pambansang pulisya, maaring managot ang mga magulang kung mahuhuli ang kanilang mga anak na hindi sumusunod sa health safety protocols.

Read more...