Delta sub-variant, paalala na kailangan pa ring maging maingat ng publiko – PNP
Kahit hindi pa nade-detect sa Pilipinas, sinabi ng Philippine National Police (PNP) ang Delta coronavirus subvariant o AY 4.2 subvariant na na-detect sa ibang bansa ay dapat magsilbing paalala sa publiko na manatiling maingat.
“Ayaw nating magdulot ng pangamba o takot sa publiko subalit magsilbi sanang paalala sa atin ang pagkakadiskubre ng subvariant ng Delta sa ibang bansa na nariyan pa rin ang banta ng pandemya,” pahayag ni PNP Chief, Police General Guillermo Eleazar.
Kailangan pa rin aniya ng ibayong pag-iingat dahil maari muling dumami ang kaso ng nakahahawang sakit kung magpapabaya ang publiko.
“Makakaasa ang publiko na ang ating mga eksperto ay nakatutok sa subvariant na ito. Sa ngayon, ang tanging magagawa ng publiko ay patuloy na sumunod sa mga health protocols at makipagtulungan sa mga awtoridad at opisyal upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus,” dagdag ng hepe ng pambansang pulisya.
Handa aniya ang PNP sakaling mayroong baguhin sa border protocols upang maiwasang makapasok ang subvariant sa bansa.
Na-detect ang COVID-19 variant, na pinaniniwalaang mas mabilis makahawa, sa European nations at Israel.
Sa ngayon, hinihintay pa ng Department of Health (DOH) ang karagdagang impormasyon mula sa international health organizations ukol sa naturang subvariant.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.