Isinama na ni dating Sen. Bongbong Marcos ang kanyang boses sa mga nananawagan na suspindihin ang excise tax sa mga produktong-petrolyo.
Kasunod ito ng pagdaing ng mga nasa sektor ng pampublikong transportasyon sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng krudo.
Sa pagtataya ni Marcos, kung pansamantalang aalisin ang excise tax, mababawang ng hanggang P10 ang kada litro ng gasolina, samantalang P6 naman sa kada litro ng krudo.
Samantala, ang kerosene naman ay matatapyasan ng P5 kada litro at ang LPG o cooking gas ay P3 bawat kilo.
Paliwanag ni Marcos matatagalan pa kung aamyendahan ang Oil Deregulation Law at mas agad mararamdaman ng mamamayan ang anumang idudulot ng suspensyon ng excise tax.
Kasabay nito, hiniling niya sa Department of Energy na pag-aralan ang pagbabalik ng Oil Price Stabilization Fund para maibsan ang matinding epekto ng mataas na presyo ng produktong-petrolyo.