Mariing pinabulaanan ng Palasyo ng Malakanyang na naging malambot ang gobyerno sa mga pulis na nasangkot sa iregularidad habang ipinatutupad ang anti-drug war campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Katunayan, ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, kakasuhan ang mga pulis na nagkasala.
“On the contrary po ‘no, iyong desisyon ng DOJ proves na we are not soft kasi nga po kakasuhan po iyan. Ang ibig sabihin noong sinabi ni Secretary Guevarra na ni-refer nila for NBI for case-building. Siyempre po kung kakasuhan, dapat matibay ang ebidensiya. So hindi na po siguro kinakailangan magkaroon pa ng bagong demand na mag-examine dahil patuloy po ang gagawin ng DOJ – rerepasuhin po natin at iisa-isahin itong mga kasong ito,” pahayag ni Roque.
Ginawa ng Palasyo ang pahayag matapos ang review ng Department of Justice (DOJ) sa 52 kaso ng drug war.
Sinabi pa ni Roque na obligasyon ng estado naimbestigahan ang mga kaso na nagkaroon ng paglabag sa karapatang mabuhay.
“Well, iyan naman po ang obligasyon ng estado – imbestigahan ang mga kaso na nagkaroon ng paglabag sa karapatang mabuhay. At itong findings ng DOJ po na binabaligtad ang earlier finding ng Internal Affairs ng PNP ay patunay po na tayo po ay ginagampan ang ating obligasyon na protektahan ang karapatan na mabuhay dahil tayo po’y nag-iimbestiga, maglilitis at nagpaparusa po ng mga pumapatay,” pahayag ni Roque.