Apela ng PNP sa publiko, maging responsable sa pagbisita sa leisure areas
Umapela ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na mas maging responsable sa pagbisita sa mga pampublikong lugar at pasyalan kasunod ng pagpapatupad ng mas maluwag na Alert Level 3 sa Metro Manila.
Ginawa ng pambansang pulisya ang paalala kasunod ng mga natatanggap na ulat na hindi nasusunod ang health at safety protocols sa mga bumibisita sa Dolomite Beach.
Inatasan ni PNP Chief, Police General Guillermo Eleazar ang police offices at units upang masigurong may sapat na pwersa ng pulisya sa nabanggit na lugar upang makatulong sa pagpapatupad ng safety standards at pag-control ng mga tao.
“Nauunawaan ko ang kagustuhan ng ating mga kababayan na makalabas ng kanilang mga tahanan, subalit kung hindi tayo mag-iingat ay hindi malabong tumaas na naman ang kaso ng COVID-19 at mapilitan na naman ang gobyerno na maghigpit sa mga protocols,” pahayag ni Eleazar.
Dagdag ng PNP Chief, “Inatasan ko na ang ating unit commanders na siguraduhin na sapat ang bilang ng ating kapulisan sa mga pampublikong lugar upang matiyak ang pagsunod sa minimum public health safety na siya din namang ipinapakiusap sa ating ng Department of Health.”
Pinaalalahanan din nito sa mga pulis na ipatupad ang maximum tolerance, lalo na sa mga mahuhuling lumabag sa protocols.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.