Ginawa ni Go ang pagpapaliwanag ukol sa inihain niyang Senate Bill No. 205 o ang Department of Resilience Act sa pagbisita niya kamakailan sa Marinduque para maghatid tulong sa mga nabiktima ng bagyong Jolina, maging ang mga lubhang apektado ng pandemya.
Aniya layon ng panukala na mapadali at mas maging malinaw ang mga responsibilidad kaugnay sa disaster preparedness and response.
“Ako naman po ay hindi titigil. Ang pangako ko po sa inyo, kahit saang sulok po kayo ng Pilipinas, makapagbigay ng tulong, makabigay ng solusyon sa inyong mga problema at makapag-iwan po ng konting ngiti sa inyong pagdadalamhati,” sabi pa ng senador.
Napakahalaga aniya na handa ang mga lokal na komunidad sa anumang kalamidad maging sa epekto ng climate change.
Ibinahagi din niya na sinuportahan niya ang ilang mahahalagang proyekto sa lalawigan tulad ng pagpapatayo ng molecular laboratory sa bayan ng Boac at rehabilitasyon ng mga imprastraktura sa mga bayan ng Mogpog, Sta. Cruz at Torrijos.
“Kami po ni Pangulong Duterte ay narito po na handing mag-serbisyo po sa inyong lahat sa abot ng aming makakaya at tulungan niyo lang po kami malampasan natin itong pandemyang ito bilang nagkakaisang mamamayang Pilipino,” dagdag pa ni Go.
Kasama niya sa pagbibigay tulong sina House Speaker Lord Allan Velasco, Gov. Presbitero Velasco Jr., at iba pang mga lokal na opisyal.
Kasabay nito, pinasinayaan din ng senador ang ika-144 Malasakit Center sa Marinduque Provincial Hospital, ang kauna-unahan sa lalawigan.