Sen. Hontiveros hiniling na palawakin ang service contracting ng DOTr

Para matiyak na abot-kaya ng mga ordinaryong mananakay ang pasahe, hinimok ni Senator Risa Hontiveros sa Department of Transportation (DOTr) na palawakin pa ang service contracting program.

 

“Kailangang pag-igtingin pa ang service contracting. Hindi lang ito sagot sa problema ng mahabang pila ng commuters tuwing rush hour, kundi malaking kaluwagan din na mapanatiling mababa ang pasahe,” sabi nito.

 

Ginawa ito ni Hontiveros dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng mga produktong-petrolyo.

 

Ang mga jeepney driver ay humingi na ng P1 hanggang P3 pagtaas sa minimum fare dahil halos kalahati na ng kanilang kakarampot na kinikita ngayon pandemya ay napupunta lang sa krudo.

 

Sinabi ni Hontiveros kailangan ay mas maraming public utility vehicle (PUV) operators at drivers ang maisama sa programa.

 

Kailangang gobyerno ang sumalo ngayong parehong tsuper at komyuter ang nalalagay sa alanganin. Gobyerno ang magpapasweldo sa mga tsuper at aako ng gastos sa gasolina para hindi muna magtaas ang pasahe at maipasa sa konsyumer,” dagdag pa ng senadora.

 

Aniya may P3 bilyong pang pondo para sa service contracting ang hindi nagagamit.

Read more...