Pamasahe sa LRT-1, posibleng tumaas sa Agusto

Inquirer file photo

Balak humiling ng 10 percent na dagdag sa pasahe sa Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) ang pribadong sektor na operator nito.

Plano ng Light Rail Manila Corp. (LRMC) na pinamamahalaan ng Metro Pacific Investments Corp at Ayala Corp na hilingin ang pagpapatupad ng taas-presyo sa pamasahe sa buwan ng Agusto ngayong taong ito, alindunod na rin sa kontratang pinirmahan nila ng gobyerno.

Ang LRMC ang nakakuha ng P65 bilyong halaga ng public private partnership deal para sa 20.7 kilometers na extension ng LRT-1 mula Metro Manila hanggang Cavite.

Ayon kay Metro Pacific chief financial officer David Nicol, malinaw na nakasaad sa PPP contract ang pag-adjust ng pamasahe kada dalawang taon.

Paliwanag pa ni Nicol, bagaman noong January 4, 2015 lamang ipinatupad ang huling adjustment ng pamasahe, 2014 pa naman ito nakatakdang gawin ngunit ipinagpaliban lamang dahil marami ang umalma.

Matatandaang naging kontrobersyal ang pagtataas ng pamasahe ng LRT Lines 1 and 2, pati na ng MRT-3 noong Enero ng nakaraang taon.

Nilinaw naman ni Nicol na ang plano nilang dagdag presyo sa pamasahe ay aaprubahan pa.

Read more...