Fully vaccinated na senior citizens, pwede nang makalabas ng bahay at makapasyal sa mall

PCOO photo

Magandang balita para sa mga senior citizen.

Dahil bumababa na ang kaso ng COVID-19 at nasa Alert Level 3 na lamang ang Metro Manila, papayagan na ang mga senior citizen na makalabas ng bahay at makapasyal sa mga mall.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, kinakailangan lamang na fully vaccinated na laban sa COVID-19 ang mga senior citizen.

“Hindi po natin binabawi iyong incentive na binigay natin sa seniors na kapag sila ay vaccinated eh pupuwede po silang pumunta sa mga malls at pupuwede silang lumabas ng bahay, ganoon pa rin po iyon,” pahayag ni Roque.

Sa ngayon, bawal pa rin na magtungo sa mga mall ang mga menor de edad.

Paliwanag ni Roque, nagsisimula pa lang kasi ang pagbabakuna sa mga menor de edad na nasa 12 hanggang 17-anyos na mayroong comorbidities.

“Ang hindi natin ina-allow pa ngayon ay iyong mga menor de edad na magpunta sa mga malls kasi hindi sila bakunado po, unlike the senior citizens na posibleng bakunado na sila. Dalhin lang po iyong inyong VaxCertPh or iyong proof of vaccination at ipakita sa mga malls,” pahayag ni Roque.

Target ng pamahalaan na mabakunahan ang nasa 133,131 na menor de edad.

Ginagawa ang pagbabakuna sa mga menor de edad sa anim na ospital sa Metro Manila.

Ito ay sa:
– Philippine Children’s Medical Center
– National Children’s Hospital
– Philippine Heart Center
– Pasig City Children’s Hospital
– Fe Del Mundo Medical Center
– Philippine General Hospital

Aabot na sa 24 milyong Filipino ang fully vaccinated na laban sa COVID-19.

Nasa Alert Level 3 ang Metro Manila hanggang sa katapusan ng Oktubre.

Pinapayagan na ang pagbubukas ng mga sinehan at arcade sa mga mall.

Read more...