Bunsod ito ng kabiguang pagde-deploy ng sapat na bilang ng bus at mga natanggap na ulat ng hindi pagbabayad sa sweldo ng mga drayber at konduktor sa kabila ng pagkakatanggap ng bayad para sa Libreng Sakay Program.
Bilang resulta, sinabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra na ipinag-utos sa dalawang consortium na magpaliwanag kung bakit hindi dapat makansela, masuspinde o maparusahan ang kanilang special permit dahil sa mababang turnout ng bus units na nagresulta sa mahabang pila sa EDSA Monumento.
“Minabuti nating mag-issue ng show-cause order, directing the two consortiums running the EDSA Busway why their franchise or special permit in running the EDSA Busway should not be cancelled, suspended or that they be not penalized for deploying so few units,” paliwanag ni Delgra.
Aniya, nasa 550 ang maximum allowable units ng bus na pinapayagan ngunit 120 units lamang ang nag-operate sa dalawang consortium noong Lunes.
“Nakita natin kanina nag-average lang ng 150 units ‘yung dalawang consortium. At the lower end pa nga, umabot ng as low as 120 units if I’m not mistaken. We have to call their attention and direct the two consortiums to explain why the employment of these units,” ani Delgra.
Iginiit pa nito na nabayaran ang dalawang consortiums sa ilalim ng Service Contracting Program.
“Now that we have paid so much of this to operators already, particularly dito sa EDSA Busway Consortium or anyone for that matter, hindi na nila pwedeng gawing rason ang hindi pagbabayad sa kanilang drivers,” saad ni Delgra.
Dagdag nito, “Mayroong kakulangan ang mga bus operators dito sa hindi pagbabayad ng mga sweldo ng kanilang mga tauhan. There is an employee-employer relationship doon sa mga bus operator and doon sa mga tsuper at konduktor that they hired.”
Ipinaalala nito sa bus operators na hindi lang ito contractual obligation kundi obligasyon bilang mandato sa ilalim ng labor code.