Sa halip na pagtataas ng pamasahe, itinutulak ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbibigay ng ayuda sa mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan sa gitna ng pandemya.
Ayon kay Transportation Secretary Art Tugade, layon ng programa na magbigay ng tulong, suporta, at ayuda sa mga driver at operator nang hindi nangangailangan ng pagpapatupad ng taas-pasahe.
“Kinakailangang balansehin natin ang pangangailangan ng mga dryaber sa kakayanan ng mga pasahero ngayong pandemya. Kaya imbes na direktang pagtataas ng pamasahe, ayuda sa drayber at ayuda sa pasahero ang itinutulak natin,” pahayag ng kalihim.
Lubos aniyang naiintindihan ang sitwasyon ng mga drayber ngunit kailangan din aniyang unawain ang paghihirap ng mga commuter.
Dagdag ni Tugade, “Alam naman natin na may ilan tayong kababayan na nawalan ng trabaho. Marami rin naman sa atin ang kababalik pa lamang sa trabaho. Ngayon pa lamang sila bumabawi, kaya sa aming pananaw ay hindi napapanahon na magpatupad ng fare increase.”
Sinabi naman ni DOTr Assistant Secretary Mark Steven Pastor na masusi nang pinag-aaralan ng LTFRB ang petition for fare hike na inihain ng mga transport group noong nakaraang linggo.
Dadaan muna aniya ang petisyon sa mga pagdinig bago ang matukoy kung magtataas ng pamasahe.
Patuloy pa rin aniya ang pakikipag-ugnayan ng DOTr at LTFRB sa Department of Energy (DOE) para magkaroon ng uniform discount ang mga pampublikong sasakyan, lalo na ang mga jeepney, sa lahat ng gas station sa bansa.
Nagpadala na rin ng liham ang DOTr at LTFRB sa DOE upang magbigay ng suhestyon kung paano maiibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa operasyon ng mga PUV, kasama na ang pagbibigay ng fuel subsidy.
Samantala, inanyayahan ng DOTr at LTFRB ang mga drayber at operator na lumahok sa Service Contracting Program.
Sa ilalim ng naturang programa, babayaran sila ng gobyerno sa kada nakumpletong biyahe o trips, habang sinisigurong mananatili ang tuluy-tuloy nilang pamamasada.
Bilang konsiderasyon sa pagtaas ng presyo ng krudo, pinag-aaralan na rin na taasan ang insentibong ibinibigay sa programa.
Maliban dito, hinikayat din ang mga transport stakeholder na samantalahin ang libreng pagpapabakuna.
Noong Hulyo, inilunsad ng DOTr ang vaccination drive para sa PUV drivers at ibang empleyado ng transport sector.
Maaring magamit ang vaccination cards para makatanggap ng diskuwento sa gas stations at mga kainan.