Ilang senador, sinabing ‘foul’ ang ‘no vaccine, no pay’ policy
Inalmahan ng ilang senador ang mga napaulat na hindi pagpapasuweldo ng ilang negosyo sa mga kawani nila na hindi pa naturukan ng COVID-19 vaccine.
Ilegal at hindi makatao ito, ayon kay Sen. Joel Villanueva, at aniya, hindi dapat sapilitan ang pagpababakuna ng mga manggagawa.
Nanawagan siya sa Deparment of Labor and Employment (DOLE) na aksyunan agad ang mga reklamo ng hindi pagpapasuweldo sa mga kawani na hindi pa bakunado.
Ayon naman kay Senate Minority Leader Frank Drilon, kung nagtrabaho ang manggagawa, nararapat lang na pasuwelduhin ito.
Paalala pa niya na may probisyon sa Republic Act 11525 na hindi dapat gamitin na ‘requirement’ sa trabaho ang vaccination card.
Sinabi naman ni Sen. Risa Hontiveros na nakasaad sa Labor Code, hindi maaring ipitin ng mga kompaniya ang suweldo ng walang pahintulot ng manggagawa o kawani.
“Kailangang proteksiyonan ang mga manggagawa sa anumang panggigipt at diskriminasyon gaya nito. Sa kakulangan ng bakuna, hindi sila ang dapat magdusa,” diin pa ni Hontiveros.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.