Dating CJ Corona biktima ng paghihiganti ni PNoy

By Den Macaranas May 05, 2016 - 08:13 PM

cristina-corona
Inquirer file photo

Hindi naiwasan ni Ginang Cristina Corona na ilabas ang kanyang saloobin sa eulogy para sa kanyang asawa na si dating Chief Justice Renato Corona.

Kaninang umaga ay dinala sa Supreme Court ang mga labi ng dating Chief Justice na namatay sa edad na 68.

Sinabi ni Ginang Corona na gumamit ang pamahalaan ng buong makinarya ng pamahalaan at political influence kaya ito na-impeach noong 2012.

Idinetalye ng Ginang ang nangyari sa dating Chief Justice na umano’y biktima ng paghihiganti ni Pangulong Noynoy Aquino.

November ng taong 2011 nang magpasya ang Mataas na Hukuman na ibigay sa mga farmer-beneficiaries ang bahagi ng Hacienda Luisita na pag-aari ng pamilya ni Pangulong Noynoy Aquino.

Iyun daw ang naging simula na naging mainit sa kanya ang Chief Executive hanggang sa siya ay ma-impeach noong 2012.

Nanawagan din si Ginang Corona sa mga botante na pumili ng mga lider na magtataguyod ng judicial independence at hindi gagamitin ang pulitika para makakuha ng hustisya.

Sa kanyang panig, sinabi ni Associate Justice Arturo Brion na bago pa man naganap ang impeachment ay alam na ni Corona ang kanyang kahihinatnan sa Supeme Court.

Ang mga labi ni Corona ay sinalubong ni Acting Chief Justice Teresita Leonardo-De Castro pero sinabi ni Atty. Theodore Te na nauna nang dumalaw sa Heritage Park sa Taguig City si Chief Justice Ma. Lourdes Serreno at siya’y malugod na tinanggap ng Pamilya Corona.

Sa isang media interview, sinabi ni Cherrie, isa sa tatlong anak ni Corona na matagal nang pinatawad ng kanyang ama ang mga nanghusga sa kanya noong panahon ng impeachment.

TAGS: Aquino, corona, eulogy, Hacienda Luisita, Supreme Court, Aquino, corona, eulogy, Hacienda Luisita, Supreme Court

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.