Poe: “Hindi ako aatras, tuloy ang laban”

SENATE/FEB.2,2015 Senator Grace Poe-Llamanzares, chair of the Senate committee on public services hearing on the defective MRT-LRT services. INQUIRER PHOTO/RAFFY LERMA
INQUIRER PHOTO/RAFFY LERMA

Biglang nagpatawag ng press conference si Sen. Grace Poe kaninang tanghali kung saan ay kanyang nilinaw na hindi siya aatras sa eleksyon sa Lunes, May 9.

Sinabi ni Poe na hindi siya pumapasok sa isang laban na kung alanganin ang sitwasyon ay bigla niyang lalayasan.

Nauna nang kumalat ang mga balita pine-pressure siya ng Malacañang na umatras sa presidential race para mapigil ang pangunguna sa mga surveys ni Davao City Rodrigo Duterte.

Ayon kay Poe, “Hindi po tayo sindikato na makikipag-ayusan kahit kanino para mawalan ng opsyon ang ating mga kababayan. Hindi rin ito isang transaksyon para ibenta ang mga pangarap ng ating mga kababayan kaya para doon sa mga nagkakalat ng mga kuwento na ako ay susuko, isipin niyo kung ano ang pinagdaanan nating lahat”.

Sinabi rin ni Poe na hindi niya kayang abandonahin ang ipinakikitang suporta sa kanya ng mga tao mula pa noong magdaklara siya ng kanyang kandidatura.

“Sa mga iba diyan na nagsasabi na dapat ay pagbigyan na lang ang iba para dalawa na lang ang naglalaban, sino ba sila para magsabi kung sino ang dapat pipiliin ng ating mga kababayan?”, dagdag pa ni Poe.

Nauna nang sinabi ng ilang mga taga-Liberal Party na ang pag-atras ni Poe sa halalan ay magbibigay ng malaking pag-asa na mapapanatili ang demokrasya sa bansa lalo na kung si dating Sec. Mar Roxas ang mananalo sa halalan.

Read more...