COVID-19 funds sa DOH 2022 budget pinatitiyak ni Sen. Bong Go
By: Jan Escosio
- 3 years ago
Sinabi ni Senator Christopher Go na kinakailangan na may sapat na pondo ang Department of Health (DOH) para patuloy na matugunan ang mga pangangailangan sa pagharap sa pandemya sa susunod na taon.
Sa deliberasyon ng 2022 budget ng DOH, iginiit ni Go na kailangan ay may pondo para sa allowances at benepisyo ng mga healthcare workers.
“Sa ating laban kontra COVID-19, isa sa pinaka-importante na dapat nating masigurado ay ang kapakanan ng ating healthcare workers. Sabi ko nga, hindi naman mababayaran ng kahit anuman ang buhay (nila), ngunit mahalaga ito bilang pagkilala sa sakripisyo ng ating mga healthcare workers para sa ating bayan,” sabi nito.
Kasabay nito ang pag-apila ng namumuno sa Senate Committee on Health na maipasa na ang panukala na magtatakda ng buwanang allowance ng medical frontliners hanggang umiiral ang state of public health emergency.
Nakasaad sa panukala ang pagbibigay ng COVID 19 Risk Allowance na P3,000 hanggang P9,000 depende sa sitwasyon ng lugar kung saan nagta-trabaho ang HCWs.
“Sa ilalim ng panukalang ito, mas maraming healthcare workers na ang makakatanggap ng allowances. Hindi na limitado lamang sa mga directly exposed sa COVID-19 patients dahil nga hindi naman talaga natin alam kung sino ang exposed sa virus na ito. Hindi natin nakikita itong COVID-19, (kailangang maisama natin sa budget para dito,” apila ni Go.