DSWD bibili ng mga produktong-agrikultura para sa kanilang feeding program – Sen. Francis Pangilinan
By Jan Escosio October 15, 2021 - 10:15 AM
Ikinatuwa ni Senator Francis Pangilinan ang paglaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng P4.12 bilyon pondo sa pagbili ng mga lokal na produktong agrikultura para sa feeding program ng kagawaran.
Ayon kay Pangilinan sa ganitong paraan, matutugunan na ang problema sa kagutuman, matutulungan pa ang mga magsasaka at mangingisda.
“Ako ay lubos na natutuwa na ang DSWD ay naglaan ng budget para sa direktang pagbili ng mga produktong agrikultura na gagamitin nila sa kanilang mga feeding programs direkta sa ating mga lokal na magsasaka at mangingisda,” sabi ng senador.
Pina-amyendahan ni Pangilinan ang Bayanihan at ipinasama sa 2021 General Appropriations Act ang probisyon na kinakailangan bumili ang mga ahensiya ng gobyerno, kasama na ang DSWD, ng mga produkto ng mga magsasaka at mangingisda.
Diin ng senador sa deliberasyon sa 2022 budget ng DSWD, maituturing na ‘frontliners’ din ang mga nasa sektor ng agrikultura dahil sila ang nagpupursige para matiyak na may sapat na pagkain para sa mga Filipino.
“Ang ating mga magsasaka at mangingisda ay mga front-liners din. Kailangan din nila ng sapat na kita para mapakain ang kanilang pamilya. At dahil panahon ng pandemya, marami sa kanila ang humina ang kita kaya naman malaking tulong ang direktang pagbili na ito dahil diretso sa bulsa nila ang kita. Kasabay pa nito napakain natin ang mga bata at iba pang mga benepisyaryo ng feeding programs ng DSWD,” dagdag pa ng senador.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.