DOLE mag-aalok ng tulong sa pagbibigay ng 13th month pay
By Jan Escosio October 15, 2021 - 10:04 AM
Plano ng Department of Labor and Employment (DOLE) na mag-alok ng ‘soft loans’ sa mga kompaniya para matiyak na makakapagbigay ang mga ito ng 13th month pay sa kanilang mga kawani sa darating na Kapaskuhan.
Sinabi ni Secretary Silvestre Bello III na natalakay na niya ang plano kina Trade Secretary Ramon Lopez at Sergio Ortiz-Luis Jr., ang pangulo ng Employers Confederation of the Phils. (ECOP).
“Baka pwedeng mabigyan ng soft loan ang ating mga employers so they can fulfill their obligation under the law and that is to pay the 13th month of all their employees on or before December 24 this year,” sabi ng kalihim.
Aniya batid niya ang sitwasyon ngayon ng mga negosyante lalo na ang mga nasa micro, small and medium enterprises (MSMEs) dahil sa epekto ng pandemya.
Ngunit diin niya ang pagbibigay ng 13th month pay ay nasa batas at obligado ang mga negosyante na bigyan ang kanilang mga kawani.
Ibinahagi ni Bello na positibo naman ang tugon ni Ortiz-Luis Jr. sa plano at magpapatuloy ang pag-uusap nila kasama si Lopez.
Kinakailangan din aniya na makonsulta si Finance Sec. Carlos Dominguez III hinggil sa pagpapa-utang sa mga negosyante.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.