Ayon kay Attorney Ariel Inton ang presidente ng LCSP, sa halip na tatlong piso, piso lamang ang dapat na maging fare increase.
Masyado kasi aniyang mabigat sa bulsa ng mga pasahero ang P3 dagdag sa pasahe.
Dagdag dagok din aniya ito lalo na sa mga nawalan ng trabaho at hanapbuhay o negosyo dahil sa pandemya sa COVID-19.
Kung tutuusin, ayon kay Inton, hindi na dapat na dagdagan pa ang kalbaryo ng mga manggagawa lalo’t ngayon lamang unti-unting nakababalik sa trabaho.
Agad namang nilinaw ni Inton na naiintindihan niya ang hinaing ng mga operator at drayber na humantong na sa panlilimos sa kalsada.
Pero ayon kay Inton, sadyang masyadong mabigat sa hanay ng mga pasahero ang P3.
Ayon kay Inton, ang tatlong pisong umento sa pamasahe ay nanganghulugan ng P156 na dagdag gastos sa isang ordinaryong manggagawa na pumapasok sa trabaho ng 26 na araw kada buwan.
Una rito, naghain ng umento sa pamasahe sa LTFRB ang grupong Fejodap, Altodap, Acto at iba pa.
Itinuturong dahilan ng mga nagpetisyon ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa.