Naghain ng panukala sa Mababang Kapulungan si House Deputy Speaker Rufus Rodriguez para ipagbawal na ang ‘substitution of candidacy’ kapag tapos na ang paghahain ng certificate of candidacy.
May hiwalay din na inihain na panukala ang kinatawan ng Cagayan de Oro City para naman maging mandatory ang pagbitiw sa puwesto ng isang halal na opisyal na tatakbo sa ibang posisyon.
“These twin measures aim to put an end to practices by politicians and political parties that tend to put in doubt the integrity of our elections,” katuwiran ni Rodriguez.
Aniya maari lamang ang substitution kung mamamatay o madidiskuwalipika ang kandidato kayat inihain niya ang House Bill 10380.
Sa paghain naman niya ng House Bill 10381, nais ng mambabatas na maibalik ang probisyon sa election law na nagdedeklara sa isang incumbent official na resigned kapag naghain na ito ng certificate of candidacy (COC) para sa ibang posisyon.
Nabatid na nawala ito sa RA 9006 o ang Fair Elections Act of 2001.