Health chief Duque hugas-kamay sa ‘relaxed protocols’ sa ‘foreign travelers’
Siya ang namumuno sa Inter-Agency Task Force (IATF) ngunit nilinaw ni Health Secretary Francisco Duque III na wala siyang kinalaman sa pagpapaluwag sa protocols para sa mga banyaga na papasok sa bansa.
Sa isang panayam sa telebisyon, sinabi ni Duque na hindi din siya nakonsulta sa isyu at aniya wala siya sa pulong, gayundin din si vaccine czar Carlito Galvez Jr., at Interior Sec. Eduardo Ano nang mapagkasunduan ang desisyon.
Aniya nasa budget deliberation siya sa Senado para sa 2022 budget ng DOH nang sumabay ang pulong ng IATF.
Sa bagong protocol na epektibo na ngayon araw, ang mga banyaga na ‘fully vaccinated’ ay kinakailangan na lamang na magpakita ng negative RT-PCR test upang hindi na sila kailangan pang manatili sa isolation o quarantine facility.
Ang RT-PCR test ay dapat isinagawa tatlong araw bago ang biyahe papasok ng Pilipinas.
Pagdidiin ni Duque na sa simula pa lang ay pinapaboran niya ang facility quarantine sa mga papasok ng bansa.
Ngayon aniya nailabas na ang desisyon ang magagawa na lamang ay istriktong ipatupad ang border control policies.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.