Ito ay bilang paggunita sa Health Workers Day at bilang pagpapakita na rin ng suporta sa mga medical practitioners ng Dr. Jose Fabella Memorial Hospital sa Sta. Cruz Maynila na posibleng mawalan ng trabaho dahil sa planong paggiba sa apat na gusali ng naturang ospital.
Ayon kay Sean Velchez, miyembro ng National Council ng Alliance of Health Workers at kabilang sa mga opisyal na tutol sa pagsasapribado ng iba pang government hospital alas 7:30 pa lamang ng umaga bukas magtitipon-tipon silang mga manggagawa sa ospital ng pamahalaan sa harap ng tanggapan ng Department of Health (DOH).
Magma-martsa ang grupo patungong Fabella Hospital para doon magprograma at iparating sa pamunuan ng ospital at sa pamahalaan ang pagtutol sa planong paggiba sa ilang gusali nito.
Naniniwala ang grupo na hindi ang usapin ng structural Integrity ang nakataya dito lalo pa at wala naman ayon kay Velchez na ipinapakitang dokumento ang mga opisyal ng Fabella na nagsasabing mahina na ang mga gusali ng pagamutan.
Nangangamba ang grupo na sa sandaling masimulan na ang paggiba sa mga tinukoy na gusali ay unti-unti nang mawawalan ng lugar sa iba pang ospital ng gobyerno ang mga midwife at iba pang personnel ng Fabella.