Pangulong Duterte sinisisi ang sarili sa kakulangan ng COVID-19 vaccines
Inako na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kasalanan kung bakit naging mababa ang suplay ng bakuna kontra COVID-19 sa unang buwan ng taong 2021.
Ayon sa Pangulo, pahirapan kasi ang pagbili ng mga bakuna sa mga manufacturing company.
Paliwanag ng Pangulo, gusto ng Pilipinas na bumili pero ang problema ay walang mabilhan.
“Iyan ho ang nakabigay ng problema sa — sa akin. At kung mayroon man nagkasala diyan, aminin ko na lang kasi wala man rin akong magawa. Gusto kong bumili, wala naman akong mabilihan. At kung makipag-contest ako doon sa mga mayaman sa bilihan ng bakuna, eh talagang huli ako. So ‘yan ang dapat ninyong maintindihan,” pahayag ng Pangulo.
Sinabi pa ng Pangulo na walang ibang dapat na sisihin sa kakapusan ng suplay ng bakuna kundi siya lamang.
“Ngayon, kung kasalanan man ‘yan, eh walang iba diyan kung hindi ako na. Aaminin ko na ‘yan. Ako ‘yung nasa —nakaupo ngayon sa opisina ko, so dapat somebody has to, well, maski na ginusto ko man eh walang mabili. Mabuti’t na lang nagkaroon tayo ng kaunting pera. At ang — ang sabi ni Secretary Dominguez, we have the money. We have the money to pay for the vaccines for all Filipinos,” pahayag ng Pangulo.
Sa ngayon, nasa 50 million doses na ng bakuna ang na-administered.
Sa naturang bilang, 23,186,969 o 30.06% na ang fully vaccinated sa buong Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.