Dagdag na P250-M isinoli ni casino junket operator Kim Wong

 

Daxim Lucas/Inquirer

Nakumpleto na ng casino junket operator na si Kim Wong ang ipinangako niyang pagbabalik ng P450 million isang araw bago ang itinakda niyang petsa.

Umaga ng Miyerkules nang mai-turn over ni Wong ang ika-apat at huling tranche ng mga isa-sauli niyang pera, na nagkakahalagang P250 million, sa Bangladesh Bank na pansamantalang ipapatago sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) tulad ng mga nauna niyang isinauling pera.

Binubuo ng mga tig-P1,000 at P500 na nakalagay sa siyam na malalaking plastic bags ang perang ipinadala ni Wontg sa AMLC sa pamamagitan ng kaniyang abogadong si Atty. Kristoffer Purisima.

Ayon kay Wong, ito ang pagpapakita niya ng paninindigan sa kaniyang mga binitiwang salita, at pagpapatunay na malinis ang kaniyang konsensya sa pagkakasangkot sa $81 million money laundering scam.

Aniya, sinabi niya sa Senate Blue Ribbon Committe noong April 5 na magsa-sauli pa siya ng P450 million sa loob ng isang buwan, pero isang araw pa lamang bago ang itinakda niyang deadline ay naisakatuparan na niya ito.

Una nang nag-sauli ng $4.63 million si Wong sa AMLC noong March 31, na sinundan ng P38.28 million noong April 4 at P200 million noong April 18.

Hindi aniya madali na makalikom ng ganito kalaking pondo, pero tinulungan at pinahiram siya ng mga kaibigan niyang dati na niyang tinulungan.

Pinasalamatan niya ang mga ito sa pagtulong sa kaniya, kabilang na ang Solaire na pinanggalingan ng unang P200 million na ibinalik niya.

Umaasa naman si Wong na ma-abswelto na siya isyung kinasasangkutan para makabalik na siya sa kaniyang negosyo na lubhang naapektuhan ng kontrobersya.

Muli niyang iginiit na wala siyang kaalam-alam na dirty money pala ang naipasok na pera sa kaniyang kumpanyang Eastern Hawaii Leisure Ltd. na bahagi ng $81 million na ninakaw mula sa Bangladesh at idinaan sa RCBC.

Read more...