Nag-deploy ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng walong nurse upang mapalakas ang healthcare workforce ng Lung Center of the Philippines kasabay ng mga naitatala pang kaso ng COVID-19.
Pinangunahan ni Col. Fatima Claire Navarro, Surgeon General ng AFP, ang send-off ceremony ng Nurse Corps Officers sa naturang ospital.
“We are all equally affected by the impact of the pandemic but in situations when our fellow healthcare workers are feeling low, a friend or even a stranger who will extend sincere help expecting nothing in return, may be the beacon of hope,” saad ni Navarro.
Dagdag nito, “We cannot eliminate infectious diseases or pandemics but we can be the helping hand while awaiting our return to new normal after each event.”
Sasailalim sa isang buwang deployment ang dalawang team mula sa AFP Nurse Corps alinsunod sa Memorandum of Agreement ng AFP at Department of Health (DOH).
Kabilang sa unang batch na isang all-reservists team sina 2nd Lieutenant Federico Muyco, 2LT Joey Cabaluna at 2LT Laviña Augusto.
Kabilang naman sa ikalawang team sina 1st Lieutenant Fernando Velarde, 2LT Raul Ramos, 2LT Abner Andamon, P2LT Chrissen Valmonte, at P2LT Leslie Ann Muñez.
Nakapag-deploy noon ng apat na nurse sa Davao habang dalawa sa Cebu at dalawa pa sa V. Luna Medical Center.
Tiniyak ng AFP na lahat ng Nurse Corps Officers ay negatibo sa nakahahawang sakit bago ang kanilang deployment.
Sumalang din ang mga nurse sa RT-PCR testing kada dalawang linggo para sa monitoring.