Ipinagtanggol ni dating Senator Antonio Trillanes IV si Vice President Leni Robredo sa mga pag-atake ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso.
Unang banat ni Trillanes ay kahit kalian ay hindi naging bahagi ng oposisyon si Domagoso kahit binatikos na rin nito si Pangulong Duterte.
“He was never with us from the beginning. All this projection that he could be sold as part of the opposition is just a front. And that he was just trying to play both sides of the political aisle,” sabi ni Trillanes sa isang panayam sa telebisyon.
Dagdag pa niya, kung talagang oposisyon si Domagoso, hindi nito babanatan si Robredo at aniya ito ay bahagi na ng kampaniya para siraan ang pangalawang-pangulo.
Pinuna din nito ang pagtawag na ‘yellowtard’ ni Domagoso sa mga sumusuporta sa mga pamilya Aquino, gayundin kay Robredo.
Sinabi ni Trillanes na ang ‘yellowtard’ ang paninira ni Pangulong Duterte at ng mga kaalyado nito sa mga kritikal sa kasalukuyang administrasyon.
Sina Robredo at Domagoso ay kapwa kandidato sa pagka-pangulo sa 2022 elections.