Batang abogado, isa sa mga tatakbong konsehal sa Tondo, Maynila
By Chona Yu October 09, 2021 - 09:58 AM
Isang batang abogado ang naghain ng kandidatura para sa pagka-konsehal ng District 2 sa Lungsod ng Maynila.
Ang 32-anyos na si Atty. Alfonso “Ponching” Orioste Jr. ay tumatakbong independent.
Sabi ni Atty. Ponching, puso at galing ang kanyang magiging puhunan sa pagtakbo at dadalhin niya ito kapag naluklok sa City Council ng Maynila.
Sinabi nito na ang kanyang karanasan bilang abogado ay makatutulong sa pagbalangkas ng mga ordinansa na pakikinabangan ng mga taga Tondo at ng buong Maynila.
Nais nito na palakasin ang COVID-19 response ng lungsod at ang pagkalinga sa mga health workers.
Kung pagbibigyan ng mga taga Tondo na manungkulan nais ni Atty. Ponching na magpasa ng ordinansa para sa pagbibigay ng ayuda at insentibo sa mga maliliit na negosyo.
Ito anya ay hindi lamang makapagbibigay ng tulong sa mga negosyo kundi magreresulta rin sa karagdagang trabaho sa mga taga-Maynila.
Pagtutuunan din nito ng pansin ang pagpasa ng ordinansa may kinalaman sa Freedom of Information na kailangang-kailangan upang maisapubliko ang mga dokumento at mga bagay na dapat malaman ng taumbayan.
Ang pangangalaga sa mental health ng mga taga Maynila ay isa rin sa gustong maging batas ni Atty. Ponching.
Isa rin sa nais nito ang pagkakaroon ng Anti-Epal Ordinance.
Para naman sa mga kabataan nais nito na magkaroon ng maraming scholarship at training opportunities bukod pa sa mga pormal na edukasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.