Sen. Bato dela Rosa hiniling sa mga Filipino na magsagawa ng ‘investigation in aid of election’
By Jan Escosio October 07, 2021 - 12:29 PM
Hinikayat ni Senator Ronald dela Rosa ang bawat Filipino na magsagawa ng sarili nilang ‘investigation in aid of election’ sa pagpili ng susunod na pangulo ng bansa sa susunod na taon.
Kasabay nito, hiniling niya sa mga botante na piliin ang tamang kandidato na may kakayahan at kapabilidad na pamunuan ang bansa hanggang sa 2028.
“Tungkol naman dito sa eleksyon, halalan ng 2022, sana piliin natin talaga ‘yung karapat-dapat na mag-lead ng ating bansa, iisang tao lang ‘yan. ‘Wag tayong magpadala sa mga kung anu-anong mga sinasabi, kundi siyasatin natin talaga ‘yung pagkatao ng ating magiging pangulo,” sabi nito.
Kailangan aniya na kilatisin ng husto ng mga botante ang pagkatao ng mga kandidato para hindi sila magkamali sa kanilang pagpili.
Hindi aniya dapat umasa lamang sa mga propaganda ng mga kandidato.
“Kung sino man ‘yung iboboto n’yo, dapat pinag-aaralan ninyo nang husto ‘yung kanyang pagkatao kung siya ba’y karapat-dapat. ‘Wag tayong magpapadala sa kung gaano kaganda ‘yung kanyang mga propaganda,” dagdag na bilin pa ni dela Rosa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.