Sweldo ng mga guro dapat nang itaas ayon kay Gordon

gordon-620x366Nangako si senatorial candidate Richard “Dick” Gordon na itataas ang sweldo ng mga guro sa bansa kung mananalo siya ngayong eleksyon.

Ito ang tugon ni Gordon nang tanungin kaugnay sa kanyang priority bill kung mahahalal na Senador.

Sa Meet the Inquirer Multimedia forum, sinabi ni Gordon na itataas niya sa P40,000 ang sweldo ng mga guro sa bansa.

Sa ganitong paraan aniya, mas mae-engganyo ang mga Pilipinong guro na nagta-trabaho sa ibang bansa na bumalik na sa Pilipinas.

Pahayag pa ng senatorial aspirant, ang kasalukuyang sweldo ng mga guro ay aabot lamang sa P18,500 kumpara sa P130,000 kada buwan na sweldo naman ng mga guro sa Singapore.

Dati aniya ang Pilipinas ay isa sa may pinakamataas na literacy rate, ngunit ngayon ay bumaba na ito.

Ipinunto rin ni Gordon na importante ang tungkulin ng mga guro dahil nakasalalay sa kanila ang kinabukasan ng kabataan na maaari maging susunod na lider ng bansa.

“Sila ang may hawak ng ating kabataan eight hours a day. Sila ang nagtuturo ng vision ng values ng volunteerism at ng good citizenship.” ani Gordon.

Giit ng dating senador, dapat bayaran nang wasto ang mga guro at itaas ang salary standard.

Read more...