Jobs, Jobs, Jobs, ginawang misyon ni Sen. Joel Villanueva
Sinabi ni Senator Joel Villanueva na sa pagtakbo niya muli sa pagka-senador ay ipagpapatuloy niya ang mga nasimulang panukala na layong makalikha ng mga trabaho, partikular na para sa mga labis na naapektuhan ng pandemya.
“Trabaho po ang lagi nating tinatrabaho sa Senado. Kaya ngayon pong araw na ito, ako po ay nag-apply muli ng trabaho bilang inyong empleyado sa Senado sa pangalawang termino. Nais po nating ipagpatuloy ang ating mga ginagawa. Lalong-lalo na po ngayon sapagkat naniniwala tayo at this point in time mas kailangan ng TESDAMAN sa Senado,” sabi nito matapos maghain ng kanyang certificate of candidacy (COC).
Isinulong ni Villanueva ang karagdagang alokasyon sa TUPAD Program, na layong mabigyan ng tulong pinansiyal ang mga manggagawa na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya, mula sa P6 bilyon ay naging P19 bilyon.
Kabilang naman sa 82 panukala na itinulak niya na ngayon ay ganap ng mga batas ay ang Work from Home Law, Free Tuition Law, ang Doktor para sa Bayan Law, First Time Jobseekers Law, Tulong Trabaho Law at iba pa.
Siya rin ang nagpursige sa End Endo Bill, na matapos maipasa sa Senado ay hindi naman pinirmahan ni Pangulong Duterte.
Noong 2016 pumangalawa si Villanueva sa may pinakamaraming nakuhang boto sa bilang na 18,459,222.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.