Palasyo bumuwelta kay Gordon sa isyu ng pagpunta ni Pangulong Duterte sa mall

Pinalagan ng Malakanyang ang pang-iintriga ni Senator Richard Gordon sa pagdaan nina Pangulong Duterte at Senator Christopher Go sa mga tindahan ng mga mamahaling relo sa isang shopping mall noong Sabado.

 

Sinegundahan ni Presidential spokesman Harry Roque ang unang pahayag ni Go na napadaan lang at hindi bumili ng mamahaling relo ang Punong Ehekutibo.

 

“The President, however, did not purchase any watch but he went inside because he personally knew the tindera selling those watches. They are his amiga since he was still a mayor 15 years ago and had a few minutes of conversation,” ang sabi ni Roque.

 

Buwelta pa nito, maaring si Gordon ang may koleksyon ng mga mamahaling relo.

 

Dagdag pa niya at tulad na rin ng sinabi ni Go, naramdaman ni Pangulong Duterte na maging normal na tao nang pumasok ito sa mall.

 

Una nang dinipensahan ni Go ang pagtungo nila ni Pangulong Duterte sa mall at sinabi na hindi na dapat pang intrigahin ang kanilang pamamasyal.

 

“Pati ba naman ‘yung pagpunta niya ng mall, gagawan pa ng malisya. Karapatan naman ng sinuman iyon,” sabi ng senador.

Read more...