Mas maraming benepisyo sa ‘seniors,’ veterans at retirees – Senior Citizen partylist solon
Naghain na ng kanyang Certificate of Nomination at Certificate of Acceptance of Nomination sa Commission on Election (Comelec) si Senior Citizen Partylist Representative Rodolfo ‘Ompong’ Ordanes para sa 2022 elections.
Magugunita na si Ordanes ang nagsulong ng House Bill 9459 para maging P1,000 mula sa P500 kada buwan ang social pension ng mga mahihirap na nakakatandang populasyon ng bansa.
Mabilis na naaprubahan sa Mababang Kapulungan ang panukala at ito ay naipasa na sa Senado.
Dahil sa kanyang panukala, napadali na para sa mga senior ang pagkakaroon ng social pension at hindi na kailangan na dapat sila ay masakitin, mahina o may kapansanan.
“Ngayon kailangan lang na patunayan ng ating mga mahal na seniors na sila ay wala talagang pinagkakakitaan. Hindi na rin magiging ugat pa ng korapsyon ang social pension at mawawala na ang palakasan,”sabi ng namumuno sa House Special Committee on Senior Citizens Affairs.
Isinulong din ni Ordanes ang House Bill 9562 na layon naman payagan na makaboto ang mga seniors, gayundin ang mga persons with disability (PWD), sa komportableng lugar na itatalaga ng Comelec, isang linggo bago pa ang araw mismo ng eleksyon.
Ilan pa sa mga panukala na isinulong at sinuportahan ng Senior Citizen partylist ay ang Centenarian Bill (HB 8003), Seniors Social Pension Bill (HB 9459), Philhealth Premium Rate Hike Suspension (HB 8461), Bayanihan To Arise As One Act (HB 9411) and the Permanent Validity of Certificates of Live Birth, Death, and Marriage Act (HB 9175).
Bukod pa sa seniors, isinusulong din ni Ordanes ang kapakanan ng mga beterano, PWDs at pensiyonado.
Ngayon ay itinutulak ni Ordanes na mabakunahan na ng COVID 19 vaccines ang lahat ng humigit-kumulang 10 milyong seniors sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.