Dalawang kooperatiba sa Sultan Kudarat tumanggap ng truck mula sa DAR

(DAR photo)

Binigyan ng Department of Agrarian Reform (DAR) ng dalawang unit ng delivery trucks ang dalawang agrarian reform beneficiaries organization (ARBOs) sa Isulan, Sultan Kudarat.

Ayon kay DAR Regional Director Marion Abella malaking tulong ito para matugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka para sa mas murang transportasyon ng kanilang ani..

Ibinigay ang truck sa ilalim ng Linking Smallholder Farmers to Markets with Microfinance (LinkSFarMM) ng DAR.

“Ang mga trak na ito ay magsisilbing isang karagdagang serbisyo ng mga ARBO sa mga miyembro nito at kahit sa hindi kasaping magsasaka. Ang mga kita mula sa mababang pag-upa ng mga trak ay gagamitin bilang asset sa negosyo ng samahan at para sa pagpapanatili ng mga trak,” dagdag ni Abella.

Ang mga truck  ay nai-turn over  sa Keytodac Coffee Growers Association, Inc. (KCGAI) ng Lebak at ang Sitio Lam-alis Peace and Development Workers Association (SLPDVWA) sa Columbio.

“Tinitiyak nito na ang tumanggap na kooperatiba ay madaling makapagdadala ng kanilang sariwang ani sa merkado nang walang pagkaantala, upang sila ay makakuha ng pinakamahusay na presyo at mas mataas na kita. Malaking tulong ito sa ating mga magsasaka lalo na sa panahon na ito ng pandemya,” ani DAR-Sultan Kudarat Provincial Agrarian Reform Provincial Officer Mary Jane Aguilar.

Binati ni Chief Agrarian Reform Program Officer Ludenia Juanday ang mga benepisyaryo at hinamon silang pagbutihin ang kanilang agri-negosyo upang makapagbigay ng maraming pagkakataon para sa kanilang samahan.

Sa okasyong iyon, malugod na tinanggap ni Eric Bajada, Pangulo ng KCGAI mula Lebak, at Didith Mangcal, Pangulo ng SLPDVWA mula sa Columbio ang mga delivery trak at pinasalamatan ang DAR para sa pagkakataong ibinigay sa kanilang samahan.

“Dati, wala kaming paraan sa pagdadala nang maramihan ng aming mga produktong kape sa merkado kaya ibinebenta na lamang ito sa mas mababang presyo. Ngayong mayroon na kaming delivery truck, maaari na namin itong magamit upang maihatid ang aming ani, lalo na ang mga nagmumula sa upper valleys,” ani Bajada.

“Ang pandemyang ito ay nagpatibay ng aming tiwala na ang DAR ay laging handa na suportahan kami kahit na anong sitwasyon. Binigyan nila kami ng mga pagsasanay at mga gamit pangsaka sa panahon ng pandemyang ito, at ngayon, binigyan nila kami ng isang delivery truck. Ang aming pasasalamat sa DAR ay hindi masusukat,” dagdag niya.

Ang LinkSFarMM ay isang proyekto ng DAR na nag-uugnay sa mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) at mga maliliit na magsasaka para sa supply chain of products upang makatulong na maiangat ang buhay ng mga ARB, maliit na magsasaka, at samahan ng magsasaka.

Read more...