Malasakit Centers patuloy na tutulong sa mga mahihirap – Sen. Bong Go
Tiniyak ni Senator Christopher Go na magpapatuloy ang operasyon ng mga binuksang Malasakit Centers sa buong bansa lalo na ngayon nagpapatuloy ang pandemya sa COVID-19.
Siniguro din ni Go ang mabilis at epektibong serbisyo sa 141 Malasakit Centers sa buong bansa.
“Sisiguraduhin nating magiging mabilis, maayos at abot-kaya ang serbisyong pangkalusugan tulad ng naibibigay na tulong ng Malasakit Centers sa mga nangangailangan,” sabi nito.
Si Go ang pangunahing nagtulak para sa pagpapatayo ng Malasakit Center sa lahat ng mga ospital na pinangangasiwaan ng Department of Health.
“Noong naging Senador po ako, isinulong ko ito sa lehislatibo, pinirmahan ni Pangulong Duterte noong 2019, at ganap na batas na po ito ngayon,” sabi ng senador.
Aniya naisip niya ang Malasakit Center dahil sa loob ng dalawang dekada niya sa public service at nakita niya ang hirap ng mga mahihirap para mabigyan ng serbisyong-medikal.
“Wala ‘tong pinipili. Basta Pilipino at poor o indigent patient ka, qualified ka sa Malasakit Center. Kung tatanggihan kayo, sabihin niyo, ‘karapatan ko ito bilang Pilipino’. Pera niyo ito na binabalik lang namin sa pamamagitan ng maayos na serbisyo,” dagdag pa ni Go.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.