Target na herd immunity ngayon 2021 malabo na – Galvez Jr.

 

NTF COVID 19 PHOTO

Kulang sa tatlong buwan bago ang pagtatapos ng taon, sinabi na ni vaccine czar Carlito Galvez Jr., na hindi maabot ang target na mabakunahan ng COVID 19 vaccines ang 77 milyong Filipino.

Ayon pa kay Galvez maaabot naman ang 50 porsiyento ng target na bilang kung magagawa na makapagbakuna ng 600,000 hanggang 800,000 indibiduwal kada araw.

Sa ngayon, 350,000 hanggang 400,000 doses lamang kada araw ang naituturok.

Kapag naman aniya magagawang makapagbakuna ng isang milyong indibiduwal kada araw hanggang sa pagtatapos ng taon, maaring maabot ang 60 hanggang 70 porsiyento ng target.

Hanggang noong nakaraang araw ng Linggo, 77.4 million doses na ang dumating sa bansa at 46.3 milyon na ang naiturok, 24.5 milyon ang nakatanggap ng first dose, samantalang 21.8 milyon ang fully vaccinated.

Ibinahagi ni Galvez, sa ngayon ay pinaiigting ang vaccination rollout sa mga high-risk areas sa labas ng Metro Manila.

Read more...