Back-to-school, back-to-work dapat – Sen. Win Gatchalian
Hiniling ni Senator Sherwin Gatchalian sa Inter-Agency Task Force (IATF) na seryosong pag-aralan ang pagpapaluwag ng quarantine restrictions para mas maraming negosyo pa ang magbalik-operasyon.
Kasunod ito nang ikakasang pilot reopening muli ng mga eskuwelahan sa mga lugar na mababa ang posibilidad na magkaroon ng hawaan ng COVID 19.
Ayon pa kay Gatchalian magiging daan din ito para makabalik na sa pagta-trabaho ang maraming magulang na tumigil sa paghahanapbuhay para gabayan ang anak sa distance learning.
“Sa muling pagbubukas ng mga paaralan, makakabalik na rin sa trabaho ang mga magulang at muling sisigla ang takbo ng ekonomiya kasunod ng inaasahang unti-unting paglawak ng pagbubukas ng mga sektor ng transportasyon, edukasyon at mga sangay na negosyo, pati na ang service sector,” dagdag pa ng namumuno sa Senate Committee on Basic Education.
Binanggit nito na sa pag-aaral ng Asian Development Bank (ADB), aabot sa P225 bilyon ang halaga ng nawalang kita ng mga magulang na tumigil sa pagta-trabaho noong School Year 2020 – 2021.
Kasabay nito, ipinanawagan na rin ni Gatchalian ang pagpapabilis ng vaccination rollout sa informal sector workers at sa mga self-employed individuals para sa paghahanap nila ng trabaho.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.