Bodyguard ng pinatay na board member sa Romblon, pinakakasuhan na

Ipinag-utos na ng Provincial Prosecutors Office ng lalawigan ng Romblon ang pagsasampa ng kaso sa mga suspek sa pagpatay sa dating provincial board member ng lalawigan na si Robert Maulion.

Sa 10-pahinang resolusyon na pirmado ni Atty. Rockfeller Cueto, Acting Provincial Prosecutor ng Romblon, pinasasampahan ng kasong homicide ang driver-bodyguard ng nasawi na si Prince Cedrick Mendez at kinakasama nito na si Shannen Amber Solis Lim.

Ayon sa piskalya, nakitaan ng probable cause upang masampahan ng kasong pagpatay ang dalawa base sa salaysay ng mga testigo.

Sinabi ng mga suspek na nahulog lamang ang nasawi sa kabila ng pahayag ng mga saksi na duguan ang lugar kung saan ito natagpuan.

Wala rin, ayon sa mga testigo, na ibang daan patungo sa silid ng dating board member kung hindi sa unit ng mga suspek sa ikatlong palapag.

Si Solis Lim ay anak ng board member ng Romblon na si Maria Rhoserean Solis.

Natagpuan ang bangkay ng bokal sa kanyang tinitirhan sa ika-apat na palapag ng pag-aaring gusali sa bahagi ng Barangay Tabing-dagat, Odiongan, Romblon noong umaga ng June 27, 2020.

Nagtamo ang biktima ng 16 na saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan kabilang na sa kanyang leeg.

Read more...