Nagtataka si BenCy Ellorin, environmentalist at convenor ng Pinoy Aksyon for Governance and the Environment (Pinoy Aksyon), dahil mistulang kasado na ang pagpalag ng mga tutol sa proyekto, gayung hindi pa naman naipiprisinta ang detalyadong plano.
Sinabi ni Ellorin na bagaman nauunawaan nila ang ideyalismo ng mga tutol sa proyekto, matatawag na haka-haka at hilaw ang mga isyung kanilang binabanggit.
Idinagdag ni Ellorin na wala ring ipinapakita pa na masisira ang heritage at historical sites sa pagsasagawa ng proyekto.
Ayon sa Pinoy Aksyon, ang napa-interesante sa plano ng San Miguel Corp. (SMC) ay ang gagastusing P2 billion para sa Pasig River rehabilitation, bus rapid transit at bike lanes.
Isa anila itong kapuri-puring halimbawa sa pag-integrate ng environmental restoration sa pamamagitan ng major infrastructure development projects.
Pinuri rin ng Pinoy Aksyon si SMC president Ramon S. Ang sa pagsusulong ng bus rapid transit, na isang modern mass transportation system, na matagal nang ninanais ng pamahalaan.
Ang P95-billion Pasig River Expressway (PAREX) ay magiging modelo rin ng green infrastructure, na magpapa-ibayo sa environmental rehabilitation, sa halip na makadagdag sa pagkasira ng kalikasan, dagdag pa ng Pinoy Aksyon.
Ang 19.37-kilometer hybrid expressway project sa kahabaan ng Pasig River, na pangangasiwaan ng SMC sa ilalim ng Public-Private Partnership program ng pamahalaan, ang magiging kauna-unahang green hybrid highway sa bansa.