Higit 21-M katao sa bansa, fully vaccinated na vs COVID-19

Manila PIO photo

Pumalo na sa mahigit 21 milyong katao ang fully vaccinated na kontra COVID-19 sa Pilipinas.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nasa mahigit 45 milyon doses na ng bakuna ang naiturok.

“Samantala, nasa 45 milyon na po or 45,147,577 doses ang total vaccines administered ayon po ito sa September 29, 2021 National COVID-19 Dashboard. Sa bilang na ito, mahigit dalawampu’t isang milyon or 21,103,317 ang fully vaccinated,” pahayag ni Roque.

Sa Metro Manila, mahigit 15.63 milyon ang total vaccines administered.

Sa bilang na ito, nasa pitong milyon o 73.73 porsyento ang fully vaccinated hanggang September 29, 2021.

“Eighty percent po ang tinatarget natin sa Metro Manila, at kapag na-target po natin ang 80%, kinakailangan magkaroon po tayo ng komemorasyon,” pahayag ni Roque.

Samantala, 1,233,300 Moderna vaccines ang dumating, Huwebes ng umaga (September 30).

Ayon kay Roque, binili ng pamahalaan at ng pribadong sektor ang mga bakuna.

Dumating naman, Miyerkules ng gabi (September 29), ang 391,950 doses ng Pfizer vaccine.

Ayon kay Roque, sa unang araw ng Oktubre, may inaasahang darating na 883,350 doses ng Pfizer mula COVAX at 2.5 million doses naman ng Sinovac.

Read more...