Hindi sang-ayon ang Palasyo ng Malakanyang sa panukala ni Senador Joel Villanueva na buwagin na ang Inter-Agency Task Force at ipaubaya na lamang sa local government units ang pamamahala sa pagtugon ng pandemya sa COVID-19.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, kung wala ang IATF, walang desisyon ang pamahalaan sa pagbili ng bakuna kontra COVID-19 para sa buong bayan.
Wala rin aniya alert level system o quarantine classifications na umiiral ngayon.
Higit sa lahat, sinabi ni Roque napakahirap kung walang kumukumpas sa pamahalaan.
“At napakahirap po kasing gawin iyan kung walang kumukumpas. Ang papel lang naman po ng IATF ay tagakumpas. Talaga naman pong ang nagpapatupad po niyan ay ang mga lokal na pamahalaan,” pahayag ni Roque.
Kung titingnan aniya ang record sa buong mundo, sinabi nito na bagamat hindi nangunguna ang Pilipinas sa maayos na pagtugon sa pandemya, isa naman ang bansa sa may mababang bilang ng mga nasawi.
“At nakikita naman natin sa buong mundo, kung titingnan ninyo naman iyong mga ranking ng Pilipinas sa buong mundo ay hindi naman po nagpapakita na tayo po ay nangunguna sa lala ng COVID ‘no. Alam ko po tumaas ngayon dahil sa Delta variant, pero ang titingnan po natin talaga, iyong pinakaimportante, ilan ang namatay. At sa ngayon po, talaga naman pong mas mababa ang mga namamatay kung ikukumpara natin sa buong mundo at 1.5% na case fatality rate,” pahayag ni Roque.
Ito aniya ang dahilan kung kaya marapat lamang na magkaroon ng IATF.
“So sa tingin ko po, tama po na nagkaroon po tayo ng IATF. At uulitin ko po, ang IATF naman po, iyan po ay binuo or sa pamamagitan ng isang executive order sa naunang gobyerno at hindi po sa gobyerno ni Presidente Rodrigo Roa Duterte. We do not claim to have been perfect, but certainly, let’s give due recognition where it is due dahil nakikita naman po natin na naiiwasan natin ang mas marami pa sanang mga kamatayan or mga taong namatay kung hindi po tayo nag-implement ng mga measures na sinangguni at binuo po ng ating IATF,” pahayag ni Roque.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.