VP Leni nagpasalamat sa nominasyon ng 1Sambayan, humingi ng dasal
Agad na nagpasalamat si Vice President Leni Robredo sa 1Sambayan sa nominasyon at pag-endorso sa kanya bilang ‘presidential bet’ ng koalisyon.
Ngunit wala pa rin naibigay na konkretong pahayag si Robredo sa kanyang balak sa eleksyon sa susunod na taon.
Kasabay nito umapila siya sa sambayanan na samahan siya sa pagdadasal para sa kanyang desisyon.
“Mabigat ang hinihiling sa isang pangulo. Maraming responsibilidad at obligasyon ang dala nito— buhay at kinabukasan ng Pilipino ang nakataya. Ang desisyon sa pagtakbo, hindi pwedeng nakabase sa ambisyon, o sa pag-udyok ng iba. Sa loob ito dapat manggaling, dala ng pagharap sa lahat ng konsiderasyon at malalim na pagsuri sa situwasyon,” sabi ni Robredo.
Dagdag pa niya; “Mulat tayo sa tungkulin natin, bilang pinuno at Pilipino, at taimtim na pagninilay at pagdarasal ang ginagawa natin. Sa mga susunod na araw, samahan ninyo akong magdasal pa, that our decision will be what is best for our country.”
Sinabi naman niya na malaking karangalan ang nominasyon at pag-endorso ng koalisyon ng oposisyon, gayundin sa mga sumusuporta sa kanya.
“Nagpapasalamat ako sa nominasyon na ito ng 1Sambayan. Malaking karangalan ang tiwalang ipinagkaloob sa akin ng mga miyembro ng grupong ito. Nagpapasalamat rin ako sa mga kababayan natin na these past weeks and months, have shown their overwhelming support sa atin,” sabi pa ni Robredo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.