Nagpaliwanag si Bataan 2nd District Rep. Jose Enrique “Joet” Garcia III kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate hinggil sa pagtatalaga sa Procurement Service – Department of Budget and Management (PS-DBM) bilang procurement agent ng Department of Transportation (DOTr).
Ani Garcia, hindi kasama sa obligasyon ng PS-DBM bilang procurement agent ang disbursement ng pondo mula sa DOTr patungo sa PS-DBM.
Kabilang lang aniya sa dapat nilang gawin ang pre-procurement hanggang sa pagbibigay Bids and Awards (BAC) Resolution Recommending Awards.
“After this BAC Resolution, DOTr issues the Notice of Award, DOTr issues the Notice to Proceed, DOTr signs the Contract, and DOTr obligates and disburses all payments to the Winning Bidder,” saad ni Garcia.
Dagdag pa ng mambabatas, “No funds are transferred to PS-DBM for the procurement, hence, there is no ‘parking of funds’ under DOTr’s Procurement Agent MOA with PS-DBM.”
Iginiit din ni Garcia sa budget hearing na maaring gamitin ng iba’t ibang ahensya ang PS-DBM para maging procurement agent.
Una, sa pamamagitan ng Agency Purchase Request (APR) route, kung saan ibibigay ng ahensya ang pondo sa PS-DBM para at sila na ang hahawak ng procurement at contract implementation activities.
Ikalawa, sa pamamagiwan ng Procurement Agent (PA) route, kung saan nakasaad na maari lamang gawin ng PS-DBM ang procurement activities at nasa kamay pa rin ng mga ahensya ang contract implementation activities. Ito aniya ang napiling gawin ng DOTr para sa kanilang proseso sa “Build, Build, Build” railways projects.
Ginagamit lamang ng DOTr ang PS-DBM dahil sa kanilang Official Development Assistance (ODA) para sa “Build Build Build” railway projects.
Dahil sa pakikipagtulungan na ito ng DOTr, nagkakaroon aniya ng multi-layer, multi-structure, multi-phase structure of governance na nagpapakita ng maayos na procurement.
Simula ng maging Procurement Agent ng DOTr ang PS-DBM, naging matagumpay ang mga proyekto ng ahensya.
Naitaas pa ang rail contracts mula sa siyam noong July 2017 patungo sa 35 nitong July 2021.
Dahil sa maayos na magandang competition para sa bidders, nakapagbawas ng humigit P40 bilyon ang DOTr, kasama ang PS-DBM, sa kanilang procurement services at inaasahan pa itong madagdagan sa ilalim ng ganitong sistema.