Smuggling ng mga gulay galing China hiniling na maimbestigahan ng Senado

Bunga ng pagbaha sa mga palengke ng mga puslit na gulay mula sa China, naghain ng resolusyon si Senator Francis Pangilinan para maimbestigahan ito sa Senado.

Binanggit ni Pangilinan sa inihain niyang Senate Resolution 922 na hindi nakakatiyak ang mga konsyumer sa kaligtasan ng mga smuggled na gulay.

Ito rin aniya ay banta sa produksyon at seguridad ng pagkain sa bansa.

Ipinaalala nito na ang ilegal na pagpasok ng baboy mula sa China na naging ugat ng African swine flu outbreak sa Pilipinas.

Diin ni Pangilinan, base sa Republic Act 10845 o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016, mandato ng gobyerno na protektahan ang mga magsasaka at publiko sa mga nanabotahe ng ekonomiya ng bansa.

“Nakakabahala ito at kailangan ma-aksyunan agad. Mula PPEs, testing kits at face shields hanggang mga gulay, bakit ba pinapaburan ang mga imported at hindi unahin ang sariling atin?” tanong ng senador.,

Dagdag pa niya; “Kayod-kalabaw na ang ating mga magsasaka pero lumiit pa lalo ang kita dahil sa pandemya. Sinubok na ng rice tariffication, African swine fever at mga bagyo. Smuggled na gulay naman ngayon. Hindi na sila makahinga at makabangon.”

Una nang sinabi ni Agriculture Sec. William Dar na ang mga carrots at repolyo na galing China ay naipuslit sa Subic Port sa Zambales.

Ang Bureau of Plant Industry ay sinabi na walang inilalabas na import permits para sa mga nabanggit na gulay.

 

Read more...