Hindi man niya diretsahang pinangalanan, halatang si Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang naging sentro ng mga pasaring ni Pangulong Aquino sa kaniyang talumpati sa Tuguegarao City sa Cagayan.
Sa nasabing talumpati, hinimok ni Pangulong Aquino ang mga botante na huwag iboto ang isang kandidato dahil lang sa ito ay popular o puro sorpresa.
Ayon sa Pangulo, dapat makausap at maituwid ang landas ng mga taong naliligaw sa pagpili ng kanilang ihahalal sa darating na halalan.
Dapat rin aniyang isipin kung ang pagmumura ba ay makapaghahatid ng pagkain sa hapag ng mga Pilipino, kung ang labis na paghahamon ay magbibigay ng mga ka-alyado, at kung ano ang aasahan sa isang taong manunungkulan kung hindi siya makapagbigay ng tuwid na sagot sa kung paano niya reresolbahan ang isyu sa West Philippine Sea.
Dagdag pa ni PNoy, hindi dapat gawing biro ang halalan sa Lunes, na sinundan ng pagbubuhat ng bangkon ng kaniyang manok na si Mar Roxas.
Aniya, walang kasiguraduhan kung tutuparin ng mga kalaban ni Roxas ang kanilang mga pangako, ngunit bakit pa aniya kailangang pumili sa walang katiyakan kung makatitiyak naman na sa tambalang Mar Roxas at Leni Robredo.