Tanggap ng Palasyo ng Malakanyang ang resulta ng panibagong survey ng Pulse Asia survey kung saan mas pinili ng publiko si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa vice presidential preference kaysa kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, anuman ang resulta ng survey, mananatili si Pangulong Duterte na ‘candidate to beat’ o ang kandidatong kailangang talunin sa 2022 elections.
Sinabi pa ni Roque na ginawa ang PulseAsia survey noong September 6 hanggang 11, kung saan hindi pa naghahain ng certificate of candidacy ang Pangulo at may pag-aalinlangan pa sa kandidatura ng punong ehekutibo.
Sinabi pa ni Roque na ang resulta ng mga survey ay snapshot ng public opinion sa isang takdang panahon.
Sa naturang survey, nakakuha si Sotto ng 25 porsyento habang 14 porsyento naman ang nakuhang boto ni Pangulong Duterte.
Nanguna naman sa presidential survey ang anak ni Pangulong Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.