(updated) Umabot na sa 1,080 katao sa Surigao del Sur ang isinugod sa ospital dahil sa hinalang nalason sila sa kinaing candy.
Ayon kay Surigao Del Sur Police Director Sr. Supt. Narciso Verdader, karamihan sa mga biktima ay dinala sa Adela Serra Ty Memorial Medical Center sa Tandag City.
Samantala, sinabi ni Lot Garrido, staff ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa Surigao del Sur, puno na ang nasabing pagamutan dahil sa dami ng mga biktimang isinugod doon.
Dahil wala nang espasyo sa pagamutan, ginawa na ring treatment center ang social hall ng kapitolyo ng Surigao del Sur.
Kumain umano ang mga biktima ng durian candy at mangosteen candy na pawang may tatak na ‘Wendys’ at galing sa Davao City.
Nasa kostodiya na ngayon ng pulisya ang walo katao na sinasabing naglako ng naturang mga candy. Isinumite na rin sa lokal na tanggapan ng Department of Health ang sample ng kendi para masuri.
Samantala, kinilala na ng pulisya ang walong nagbenta ng nasabing mga candies na ngayon ay nasa kanila nang kustodiya.
Ayon kay Verdader, ang mga inimbitahan ng mga pulis sa bayan ng Cagwait ay sina Junnil Teriote, John Dequilla, Joel Paja, Richard Rivera at Martinez Bocaycay na pawang residente ng Calinan, Davao City.
Inaresto naman sa Tandag City sina Genelyn Dorgas ng Bocana, Davao City at Henryto Bitco ng Valencia, Bukidnon. Hinuli naman ng mga pulis sa bayan ng Tagbina si Richard Briones ng San Francisco del Sur.
Ayon kay Verdader, depende sa magiging resulta ng pagsusuri ng DOH sa mga nakuhang candy ang susunod nilang aksyon laban sa walong tindero.
Ang mga nalasong estudyante naman ay mula sa limang eskwelahan. Ayon kay CARAGA Region Police Director Chief Supt. Gregorio Pimentel, mula sa Special Education Elementary School sa Tandag City ang mga unang napaulat na dumaing ng pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagkahilo.
Kasunod nito ay dumaing na rin ang ilang estudyante sa Unidad National High School at sa Surigao del Sur State University sa Bayan ng Cagwait. Naapektuhan din ang mga estudyante sa Gamut National High School at Sumo-Sumo Elementary School sa bayan naman ng Tago./Jan Escosio
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.