Santiago sa umano’y bank accounts ni Duterte: “Bakit andami?”

 

Niño Jesus Orbeta/Inquirer

Tulad ng karamihan, ikinagulat rin ni Sen. Miriam Defensor-Santiago ang pagkakaroon umano ng maraming bank accounts ng kapwa niya presidential candidate Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Bukod sa pagkakaroon ni Duterte ng 17 bank accounts sa tatlong bangko na isiniwalat ni Sen. Antonio Trillanes IV, binanatan rin ni Santiago ang mga hindi makatwirang pahayag at tila pagbalewala ng alkalde sa batas.

Sa Meet Inquirer Multimedia Forum, kinwestyon ni Santiago kung bakit napakaraming bank accounts ni Duterte at kung saan niya ito ginamit.

Ayon pa kay Santiago, hindi naman ito ginamit ni Duterte sa bahay, dahil nakita naman niya na simple lamang ang mga tahanan ng alkalde sa tuwing bumibisita siya sa Davao City.

Pinatutsadahan rin ni Santiago ang mga kontrobersyal na pahayag ni Duterte na aniya’y kadalasang hindi makatwiran.

Kabilang dito ay ang tila pagbalewala ni Duterte sa batas sa kung paano niya susupilin ang kriminalidad sa loob ng unang ilang buwan ng kaniyang panunungkulan.

Ani pa Santiago, ang mga ganitong pahayag ni Duterte ay nagdudulot ng pagdu-duda sa mga tao kung ang alkalde nga ba ay kakampi ng batas.

Hindi na aniya nakapagtataka kung bakit napaluhod na ang mga madre at nagsimula na ng puspusang pagdarasal para sa halalan.

Read more...